Una: Bago Dumating sa Kaharian ng Bahrain
Siguraduhing mayroon kayo ng mga sumusunod na dokumento:
- Orihinal na pasaporte at dalawang kopya ng pahinang nakasaad ang impormasyong personal. Ang Pasaporte ay dapat balido/ may-bisa ng hindi kukulang sa dalawang taon
- Kopya ng Sertipiko ng Kapanganakan o ano mang dokumento na panghalili nito
- Kopya ng Tarheta ng Pagkakakilanlan o ID galing sa pinagmulang bansa
- Kopya ng Sertipiko ng Pagpapakasal, kung kasal na
- Lisensiya sa Pagmamaneho, kung mayroon
- Buod na Talaan ng mga Pinag-aralan o naging mga Karanasan
- Mga Sertipikong galing sa Paaralan
- Sertipiko ng Kaalaman o Pagsasanay
- Kopya ng Kontrata sa Trabaho
Pangalawa: Pag-dating sa Kaharian ng Bahrain
Pagdating sa Paliparan ng Bahrain, kaagad lumapit sa tanggapan ng LMRA at ipakita ang kontrata sa trabaho. Ang mga empleyado ng LMRA ay handang tumulong para mapadali ang pagpasok sa Kaharian. Sila ay makikipag-ugnayan sa mga tanging kawanihan ng pamahalaan upang maisaayos at madaling matapos ang mga sumusunod na dokumento:
- Pagkakaloob ng Tarheta ng CPR
- Pagkakaloob ng Permiso ng Paninirahan sa Bahrain (Residence Permit)
- Pagtatakda ng araw ng pagsusuring medical
- Pagkuha ng mga tatak o bakas ng mga daliri
Pangatlo: Habang Nananatili sa Kaharian ng Bahrain:
Para maiwasan ang matinding pananagutan at maipagpatuloy ang lehitimong pamamalagi sa Kaharian ng Bahrain, tuparin ang mga sumusunod na alituntunin:
- Magtrabaho ayon sa propesyon o tungkulin na nakasaad sa tarheta/lisensiya ng paggawa na ipinagkaloob ng LMRA.
- Magtrabaho sa amo/ahensiya/kompanya na nakasaad sa lisensiyang naipagkaloob.
- Huwag magtrabaho sa kahit na anong propesyon o gawain na walang pahintulot ng LMRA.
- Iwasang magtrabaho sa pinapasukan o kompanya na walang pahintulot galing sa LMRA.
- Makipagtulungan sa LMRA para sa pagkuha ng bakas ng mga daliri.
- Ingatan ang pasaporte dahil ito ay mahalagang dokumento at walang sinumang taong maaring magtago kundi ang may-ari nito.
- Tiyakin na pinapabago ng maypatrabaho o kompanya ang bisa ng pamamalagi sa Bahrain sa tamang oras.
- Tiyakin na binabayaran buwan-buwan ng pinaglilingkuran o kompanya ang kontribusyon sa pasegurong sosyal (social insurance).
- Tiyakin na mayroon kang pasegurong medical at sosyal (medical and social insurance).
- Tiyaking tumutupad sa kanyang obligasyon ang pinaglilingkuran o kompanya ayon sa nakasaad sa inyong kontrata. Maari kang magsadya sa Tanggapan ng mga Hinaing sa Kagawaran ng Paggawa kung sakaling siya ay lumabag sa batas.
- Tuparin ang iyong obligasyon sa iyong amo o kompanya ayon sa nakasaad sa inyong Kontrata.
- Iwasan ang magbayad ng pera para makakuha ng lisensiya sa paggawa (Work Permit) o pagpalit ng amo o kompanya. Magtanong sa LMRA kung alanganin sa gagawing hakbang.
- Dumulog o tumawag sa LMRA sa mga iba pang katanungan tungkol sa lisensiya ng paggawa.
- Sumunod sa batas/alituntunin/regulasyon na ipinapatupad ng Kaharian ng Bahrain.
- Igalang ang mga kaugalian at tradisyon ng mga katutubong mamamayan ng Kaharian ng Bahrain.
BABALA:
- Iwasan ang pagtakas sa trabaho sa anumang kadahilanan. Sakaling may alitan o di pagkakasunduan sa amo o kompanya, dumulog o humingi ng tulong sa Tanggapan ng mga Hinaing sa Kagawaran ng Paggawa upang malaman at maipaglaban ang karapatan.
- Upang makaiwas sa ano mang mahigpit na pananagutan ayon sa Artikulo (23A), (36B) ng Batas Bilang (19) (2006) ng LMRA, huwag magtrabaho sa Bahrain na walang permiso ng LMRA. Ito ay isang krimen. Ang paglabag ng batas na ito ay mapapatawan ng matinding kaparusahan.
|